Friday, October 14, 2011
Doon Sa Amin, Sa Payatas
tagus-tagusan sa mangilan-ngilang butas sa yero
habang pina-pangalmusal ang natitirang tutong at bahaw
isang ingay ang mula sa dako paroon ang pumukaw.
Nangangahos na nginuya ng aking mga panga
ang almusal na s’ya na ring aking pananghalian,
nang sa gayo’y makapaglaro sa kanal kasama ang papel na bangka
at ang sangkatutak na dumi ng tao’t anu’t-ano pang karumihan.
Tinahak ko ang daan papalabas ng may ngiti
habang kasalubong ko ang marami:
natatakot, natataranta, punung-puno ng pighati.
Pilit na naghuhumiyaw sa galit
ang aking mga minamahal
hanggang sa langit ay magalit,
na pumuno sa bukana ng kaibigan kong kanal.
Dumating ang mga higante't matitikas na mga laruan;
Oh, ang pangarap kong trak at kotsi-kotsehan!
Agad kong nasilayan ang iba
handang agawin ang mga matitipunong laruan.
Buong lakas na tinahak ng aking mga binti
ang distansyang naghihiwalay sa amin.
Binti ko ma’y napuno ng pagal
buong dipa kong yinakap ang magagarang laruang bakal.
Kumagat ang dilim sa oras ng tanghalian,
animo’y isang malamlam na saad.
Nagpatuloy ang pagluha ng kalangitan,
nakikisama sa mga sawim-palad;
Mga bigo't inggit sa bago kong kayamanan!
Biglang tumahimik ang paligid
na pawang binawian ako ng pandinig,
kasabay nito’y ang pagkawala ng aking paningin at tinig,
o maaring hindi ko lamang maibuka ang aking mga bibig
dulot na rin siguro ng aking matinding pananabik.
Ilang sandali pa ang lumipas,
ang pader ng katahimika’y nabutas;
isang atungaw ang aking naulinigan,
hindi ni Santa Klaws ngunit ng aming ilaw ng tahanan.
“Putang ina mo!”
“PUTANG INA NINYONG LAHAT!”
Buong lutong ang pagsambit
tila punung-puno ng galit;
Isang haplos at mahigpit na yakap
ang bumalot sa kanina ko pang giniginaw na katawan.
Dama ko ang init ng kaniyang hininga at labi
sa aking malalamig na pisngi,
kasabay nito ay ang pag-agos ng kanyang mga luha
kasabay ng kanyang pag-usal ng, “Anak, mahal na mahal kita!”
Naramdaman ko ang muling pag-agos,
hindi ng mga luha o ng ulan
tila ito’y nagmumula sa aking bungo:
mainit, mabibilis na paglawa ng aking natitirang dugo.
---
Ang tulang ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 3.