Friday, October 14, 2011

Doon Sa Amin, Sa Payatas

Sa ilalim ng isang nakangiting araw,

tagus-tagusan sa mangilan-ngilang butas sa yero

habang pina-pangalmusal ang natitirang tutong at bahaw

isang ingay ang mula sa dako paroon ang pumukaw.


Nangangahos na nginuya ng aking mga panga

ang almusal na s’ya na ring aking pananghalian,

nang sa gayo’y makapaglaro sa kanal kasama ang papel na bangka

at ang sangkatutak na dumi ng tao’t anu’t-ano pang karumihan.

Tinahak ko ang daan papalabas ng may ngiti

habang kasalubong ko ang marami:

natatakot, natataranta, punung-puno ng pighati.

Pilit na naghuhumiyaw sa galit

ang aking mga minamahal

hanggang sa langit ay magalit,

na pumuno sa bukana ng kaibigan kong kanal.

Dumating ang mga higante't matitikas na mga laruan;

Oh, ang pangarap kong trak at kotsi-kotsehan!


Agad kong nasilayan ang iba

handang agawin ang mga matitipunong laruan.

Buong lakas na tinahak ng aking mga binti

ang distansyang naghihiwalay sa amin.

Binti ko ma’y napuno ng pagal

buong dipa kong yinakap ang magagarang laruang bakal.


Kumagat ang dilim sa oras ng tanghalian,

animo’y isang malamlam na saad.

Nagpatuloy ang pagluha ng kalangitan,

nakikisama sa mga sawim-palad;

Mga bigo't inggit sa bago kong kayamanan!


Biglang tumahimik ang paligid

na pawang binawian ako ng pandinig,

kasabay nito’y ang pagkawala ng aking paningin at tinig,

o maaring hindi ko lamang maibuka ang aking mga bibig

dulot na rin siguro ng aking matinding pananabik.

Ilang sandali pa ang lumipas,

ang pader ng katahimika’y nabutas;

isang atungaw ang aking naulinigan,

hindi ni Santa Klaws ngunit ng aming ilaw ng tahanan.


“Putang ina mo!”

“PUTANG INA NINYONG LAHAT!”

Buong lutong ang pagsambit

tila punung-puno ng galit;


Isang haplos at mahigpit na yakap

ang bumalot sa kanina ko pang giniginaw na katawan.

Dama ko ang init ng kaniyang hininga at labi

sa aking malalamig na pisngi,

kasabay nito ay ang pag-agos ng kanyang mga luha

kasabay ng kanyang pag-usal ng, “Anak, mahal na mahal kita!”


Naramdaman ko ang muling pag-agos,

hindi ng mga luha o ng ulan

tila ito’y nagmumula sa aking bungo:

mainit, mabibilis na paglawa ng aking natitirang dugo.


---

Ang tulang ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 3.

22 comments:

  1. Parang nangyari na sa'kin 'to.

    ReplyDelete
  2. Nakaka-touch to. :'( Good luck!

    ReplyDelete
  3. Ramdam na ramdam ang pagiging bata at pagkainosente ng persona. Maganda, Carlo.

    ReplyDelete
  4. shit. bakit parang pati ako apektado

    ReplyDelete
  5. Saludo ako sa'yo.

    ReplyDelete
  6. DSGHDKSGHAJK GOODLUCK CARLO. T_______T

    ReplyDelete
  7. ansaket. :/
    puno ng emosyon.

    ReplyDelete
  8. Def A+, Carlo. I may not be familiar with some of the words but it didn't affect with me connecting and feeling the story.

    ReplyDelete
  9. Galing! Parang uminit mukha ko sa pagkasampal... Winner!!! <3 epi

    ReplyDelete
  10. jennelyn nepomucenoOctober 17, 2011 at 4:22 PM

    taray ha .
    ganda :))

    ReplyDelete
  11. Ang ganda ng twist!

    ReplyDelete
  12. Nadala ako. Good luck! Ang ganda, sobra.

    ReplyDelete
  13. ANG GANDA PO! :')

    ReplyDelete