Wednesday, July 20, 2011

”Bakla ka ba talaga?” tanong ng pinsan ko.

”Oo.” sagot ko sabay inom ng aking tagay at hithit sa sigarilyong naka-ipit sa pagitan ng aking dalawang daliri.

”E may girlfriend ka dati a?”

”I had four. ‘Yung kapatid mo nga may tatlong anak na, ‘di ba?”

Hindi na siya umimik. Sa puntong iyon, kahit alam ko na gaano mang ka-personal ang sinabi kong iyon, ay may punto ako. Na-corner ko siya imbis na ako ang na-corner niya. Hindi ko naman minasama ang pagtatanong niyang iyon kaya tuloy ang inuman. Inintindi ko na lang na marahil ay hindi niya naitanong ang mga bagay na iyon sa kapatid niya, kaya sa akin siya nagtatanong.

.

.

.

Tuloy ang inuman.

”Ilang taon ka na nga ulit, Kaka?”

”20,” sagot ko. Bente anyos pa lang ako nung mga panahong iyon.

”Tapos hindi ka pa graduate? Mauunahan ka pa ng panganay ko,” wika niya. Di ako kumibo. Hinayaan ko lang siya, habang ang ilan sa mga pinsan ko ay nagpapalitan sa pagtingin sa akin at sa kanya.

”Ano bang plano mo sa buhay mo?” muli niyang pag-uusig.

”Marami,” tugon ko. “Isa na siguro ay ang mabuhay ng malaya at malayo sa mga taong makikitid ang utak at pakielamero. Kaya nga ako nagpa-tattoo, dahil gusto kong ihayag panghabang-buhay ang pagiging malaya at liberal ko.

”Nababasa n’yo ba ‘to?” sabay pakita ng aking tattoo sa likuran ng aking tainga na may larawan ng isang buwan, tatlong bituin at Alibata.

”Ano bang ibig sabihin n’yan?” itinuro n’ya ang Alibata.

”Alam n’yo naman mga pinagdaanan ng pamilya ko at patuloy na pinagdadaanan namin, hindi ba? Pero hindi pa rin ako sumusuko. Nakita n’yo na akong nakipag-live-in, nakita n’yo na akong manggulpi ng ka-live-in na niloko ako, nakita n’yo na akong umiyak at tumawa; pero nabubuhay pa rin ako. Parang inuman lang ‘yan e, tuloy ang laban. ‘Di bale nang sumuka, ‘wag lang sumuko.

”Ngayon andito ako sa harapan n’yo, inuusig ng inyong mga matanong na isipan at mapanuring mata. May nagabago ba sa’kin?”

Walang sumagot.

”Bukod sa pisikal na kaanyuan ko, marahil nagbago ang pananaw ko sa buhay. Una, hindi ko pinagsisisihan na naging bakla ako. Ginusto ko ‘to, kahit alam kong hindi n’yo maiintindihan kaagad, wala akong pakielam. Hindi ko kailangan ng pang-unawa n’yo. Sapat na para sa akin ang pagtanggap na ibinigay ko sa sarili ko. Sapat na ‘yon para makapagtrabaho ako dati at kumita ng higit pa sa sahod ninyo buwan-buwan. Trenta-mil isang buwan— higit pa sa sapat ‘yon para ipamukha sa inyo na kahit bakla ako, na kahit hindi pa ako graduate, walang-wala kayo sa akin.”

Napansin kong bumuka ang bibig ng isang pinsan ko, ngunit pinigilan ko muna siya dahil hindi pa ako tapos sa mga sasabihin ko.

”Simple lang naman, e. Sa totoo lang, wala akong dapat patunayan at ipagmalaki sa inyo, kaso mukhang kailangan ko pang ipamukha sa inyo na marami akong bagay na kayang gawin na hindi n’yo pa nagawa. Marami akong karangalang naidala sa pamilya ko na hindi n’yo pa naibigay sa mga pamilya ninyo. Kaya kesehodang bakla ako, at hindi pa ako graduate, wala kayong ibang masasabi sa akin dahil alam ninyo na ako ang pinaka-talented at pianakamatalino sa ating magpipinsan, at marahil, ang pinakamatapang at may bayag para kausapin kayo sa ganitong pamamaraan.”

Mahinahon at maingat kong tinapos ang aking mga pangungusap. Lahat sila nakatingin sa akin. Lahat sila tila ninanamnam ang katotohanan na hindi nila ako mahihila pababa; ang katotohanan na kahit ano pang gawin nila, sa edad ko na iyon, naungusan ko na sila ng milya-milya.

”Oo nga, ‘no?” biglang saad ng isa kong pinsan. “Si Kaka ang kauna-unahang nakapasok sa UP.”

Ngumiti lang ako at sinenyasan silang tagayin na ang alak.

”Ano bang ibig sabihin n’yang Alibata sa tattoo mo?” muling pagtatanong ng aking pinsan.

Tagay at kaunting katahimikan; ingay lang ng bentilador na walang tigil sa pag-ikot upang magbigay ginhawa sa aming katawan na nabahagian na ng init ng alak.

Kinuha ko ang tagay ko at nilunok ang alak sa baso, ninamnam ang mainit na hagod na dala nito sa aking lalamunan, humitit ng sigarilyo at binuga ang mga usok at iwinika ang sagot na kanina pa nila gustong malaman:

”Mandirigma.”

1 comment: